Psalms 140:1-12 TGLULB - Bible AI

1Yahweh, sagipin mo ako mula sa masama; pangalagaan mo ako mula sa mararahas na mga tao.

2Nagpaplano sila ng kasamaan sa kanilang mga puso; sila ang pasimuno ng hindi pagkakasundo araw-araw.

3Ang kanilang dila ay nakakasugat tulad ng mga ahas, ang lason ng ulupong ay nasa kanilang mga labi. Selah

4Ilayo mo ako sa mga kamay ng masasama, Yahweh; pangalagaan mo ako sa mararahas na mga tao na nagpaplano na patumbahin ako.

5Ang mapagmalaki ay naghanda ng patibong para sa akin; nagkalat sila ng lambat; naghanda sila ng silo para sa akin. Selah

6Sinabi ko kay Yahweh, “Ikaw ang aking Diyos; makinig ka sa aking mga paghingi ng awa.”

7Yahweh, aking Panginoon, ikaw ay malakas para magligtas; sa araw ng labanan nilagyan mo ng panangga ang aking ulo.

8Yahweh, huwag mong ipagkaloob ang nais ng masasama; huwag mong hayaan ang kanilang mga plano na magtagumpay. Selah.

9Silang mga nakapalibot sa akin ay itiningala ang kanilang mga ulo; hayaan mo silang tabunan ng kalokohan ng kanilang labi.

10Hayaan mong bumagsak ang nagbabagang mga uling sa kanila; itapon mo sila sa apoy, sa napakalalim na hukay, na hindi na kailanman makakabangon.

11Nawa ang sinumang nagsasabi ng masasamang mga bagay tungkol sa iba ay hindi mailigtas sa mundo; nawa hanapin ng kasamaan ang mararahas para ibagsak siya.

12Alam kong si Yahweh ang magpapanatili ng kapakanan ng mga nasaktan, at siyang magpapatuloy ng katarungan para sa mga nangangailangan.

>